Pagninilay at Paglilimi: Sa Iyong ika-150 Kaarawan Apo Aglipay

“I only ask justice and sincere love for my people, and my object is the reestablishment of the rational worship of the only one God in all His splendor, and at the same time, to prove to the world the ability of the Filipinos to enjoy an independent religious life. Aglipay will live and die as poor as when he was born, but he will never betray the interests of his people.”

– Gregorio Aglipay

Isa si Gregorio Aglipay sa mga kinikilalang tagapagsulong ng kalayaan at kasarinlan ng bansa. Isa siya sa mga naging susi upang maisulong ang pagkilala sa kakayahan ng mga Pilipino na ipagtanggol ang sarili at itaguyod ang kakayahang mamahala. Kinikilala siya sa kasaysayan bilang “Martin Luther” ng Pilipinas, isa sa mga pangunahing lider ng itinatag na Simbahang Pilipino.

Gregorio Aglipay, Unang Obispo Maximo ng IFI

Madami nang sanaysay at pag-aaral ang isinulat tungkol kay Aglipay. Sa mga ito, may mga papuri sa kanyang kagitingan at mayroon din namang mga pagpuna at pagpula sa kanyang katauhan. Gayunpaman, hindi maikakaila na ang kanyang buhay at adhikain ay nag-iwan na ng marka sa kasaysayan ng bansa. Ang kanyang pagpupunyagi upang maigpawan ang anumang balakid sa kanyang mga simulain ay isang mabuting halimbawa ng katapangan. Ang kanyang pagsasakripisyo para maitaguyod ang simbahang kanyang pinamunuan ay pagpapakita ng kakayahang pangimbabawan ang sariling kapakanan, kaligayahan, at interes para sa mas malawakang katuparan ng mga hangarin at interes ng bawat (mananampalatayang) Pilipino. Hindi siya nasilaw sa anumang pangako ng mataas na posisyon sa Simbahang Romano. Hindi rin siya nagpadala sa matatamis na salita ng mga paring Heswita. Hindi niya tinalikuran ang interes ng mas nakararaming Pilipino, kapalit ng sariling kapakanan. Kailanman ay hindi niya ikinaila ang hirap ng kanyang naging pakikibaka, ngunit nanatili sa kanya ang kanyang hangaring samahan ang sambayanan na tunguhin ang landas tungo sa tunay na kalayaan, kasarinlan, at kaginhawahan.

Sa ating paggunita sa kanyang ika-150 taon ng kapanganakan, hindi sapat ang pag-alaala lamang sa kanyang naging kontribusyon sa Himagsikan, sa Simbahan, sa Kalayaan, at sa Kasaysayan ng bansa. Hindi makasasapat ang pag-aalay ng misa o paglalagak ng bulaklak sa kanyang rebulto. Mas magiging makabuluhan ang ating pagkilala sa kanyang kadakilaan kung muli nating pagninilayan at paglilimian ang kanyang naging buhay at pakikibaka. Nawa’y itanong natin sa ating mga sarili kung paano natin isasabuhay ang katapangan, determinsayon, pagmamahal sa bayan, pananampalataya, at pamumuno ni Gregorio Aglipay. Kapain natin sa ating puso ang “tunay na paglilingkod” na ipinamana niya, hindi lamang sa mga Aglipayano, kundi sa lahat ng mamamayang Pilipino na patuloy na naghahangad ng paglaya mula sa anumang uri ng pagkaalipin. Hanapin natin ang mumunting Gregorio sa lahat ng ating gawain at adhikain. Huwag din sana tayong padala sa anumang nakasisilaw na pangako, panandaliang katanyagan o anumang anyo ng panlilinlang. Manatili nawa tayong maglingkod sa ating kapwa, bayan, simbahan, organisayon o bansa sa anumang paraan na hindi inuuna ang sarili nating kapakanan, kundi ang interes at ikabubuti ng higit na mas nakararami. Sana’y tulad ni Gregorio Aglipay, mag-iwan rin tayo ng sarili nating bakas sa kasaysayan, na balang-araw ay magiging inspirasyon ng susunod na henerasyon sa kanilang pakikibaka tungo sa kagalingan ng bayang Pilipinas.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s